Ibinunyag ng celebrity couple na sina Gwen Samora at David Semerad na magkakaroon sila ng baby number 3, sa pilot episode ng kanilang reality show na “The Semerads: Halfie Together” nitong Linggo.
Isa nga iyan sa mga pasabog nila sa pinakabagong palabas na iyan ng Bilyonaryo News Channel (BNC) na umere na nitong Setyembre 28.
Kuwento pa ng mag-asawa, nagpa-sexy pa si Gwen dahil balak na nga nitong magbalik sa showbiz industry matapos ang ilang taon, ngunit dahil nga sa unexpected blessing na iyon ay medyo nabago ang kanilang plano bilang pamilya.
“This pregnancy was not supposed to happen for another one to two years,” wika ni David.
“I just got sexy!” say pa ni Gwen.
Kung kailan pa naman daw naibalik na sa dati niyang sexy figure si Gwen, tsaka naman daw ito nagbuntis muli.
Inalok pa nga raw ng mga espesyalista si David na sumailalim sa isang fertility program upang mas lalo maplano ang pagbubuntis ng kanyang misis, ngunit tumanggi raw siya.
“I told them, ‘Don’t worry. We’re safe. Walang problema. You’re not gonna get pregnant,’” wika pa ng basketbolistang si David.
Pero, heto nga at positibong buntis sa ikatlong pagkakataon ang aktres.
“Do not trust a guy when he says that,” natatawa pang say ni Gwen.
Kung lalaki raw ang susunod nilang baby, Ryker ang ipapangalan nila dito. Ngunit kung babae naman ay pinag-iisipan pa nila ito. Ang malinaw sa ngayon, malamang na magkaka-“er” ito sa dulo. Cooper kasi ang pangalan ng kanilang panganay na lalaki, habang Amber naman ang pinakabata sa ngayon.
Ni-reveal din niyang nagka-postpartum depression siya noon sa pagbubuntis kay Amber.
“It took mo a long time to snap back to myself,” aniya pa.
Ngunit pakiramdam naman ni Gwen na mas magiging stress-free siya ngayon habang siya ay nagbubuntis. Sapat na rin kasi ang experience niya sa pagdadalang-tao.
Mapapnood ang buong pilot episode ng “The Semerads: Halfie Together” sa BNC YouTube page. (Jun Lopez)


