Iginiit ni House prosecution panel adviser at spokesperson Ace Barbers na hindi ang halaga ng mga kontrata ng GenCorp Industries Inc. sa Davao City government ang punto ng pagharap ng mga ito bilang ebidensiya sa Senate impeachment court.
Ayon kay Barbers ang mga ebidensya ay nagpapakita ng conflict interest dahil ang isang kompanya na may interes si Vice President Sara Duterte ay nakakuha ng mga kontrata sa city government na pinamumunuan ng kanyang kapatid na si Mayor Sebastian Duterte.
Ginawa ni Barbers ang pahayag amid claims na hindi malaki ang halagang P35 milyon na halaga ng mga kontrata sa pagitan ng GenCorp, isang kumpanyang idineklara ng Pangalawang Pangulo bilang business interest, at ng Davao City government.
“Ang nakakagulat dito, Ted, is that inamin niyang kanya yung kumpanya o may shareholdings siya diyan, pero nakakakuha ito ng kontrata sa city hall ng Davao. Na kung saan, yung sinasabing head of the procuring entity ay kanyang kapatid, yung mayor. So meron talagang klarong conflict of interest kung impeachable offense ang pag-uusapan natin, I think that’s already a betrayal of public trust,” sabi ni Barbers sa isang panayam sa radyo.
Batay sa rekord ng Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) na iniharap sa impeachment court, nakakuha ang GenCorp ng 49 government contracts na nagkakahalaga ng P35.878 milyon mula nang manungkulan ang bise presidente noong Hulyo 2022, kabilang ang P34.216 milyon na mga kontrata mula sa Davao City government.
Idineklara ng Pangalawang Pangulo na siya ay mayroong business interest sa GenCorp sa kanyang 2024 at 2025 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Ipinagbabawal ng Article VII, Section 13 ng Konstitusyon sa bise presidente ang paglahok sa anumang negosyo o pagkakaroon ng financial interest sa isang government contract habang nanunungkulan.
“So maliwanag ‘yun na meron talagang violation sa ating saligang batas. Therefore, ito ay isang impeachable offense,” giit ni Barbers.
Kinumpirma ni Mayor Duterte ang kontrata sa pagitan ng Davao City government at GenCorp ngunit sinabi niyang hindi niya alam na konektado ito sa bise presidente. (Billy Begas)


