Humiling ang Bureau of Customs (BOC) ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa 13 indibidwal na nahaharap sa criminal complaints kaugnay ng umano’y ilegal na pag-aangkat ng mga produktong agrikultural.
Kasunod ito ng pagsasampa ng criminal complaints sa Department of Justice (DOJ) noong Setyembre 24 kaugnay ng anim na shipment na naka-consign sa Berches Trading.
Ayon sa BOC, idineklara umanong “chicken lollipops” ang mga shipment ngunit nang inspeksiyunin ay natuklasang naglalaman ng libo-libong sako ng sariwang sibuyas at mga kahon ng carrot na walang kinakailangang regulatory clearance.
Kabilang sa mga saklaw ng ILBO request ang owner at mga kinatawan ng importer, isang licensed customs broker, at siyam na opisyal at empleyado ng BOC na umano’y may koneksyon sa mga shipment.
Sinabi ng BOC sa liham nito kay Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na layunin ng ILBO na makatulong sa pag-monitor sa international travel ng mga respondent at matiyak ang kanilang availability para sa nagpapatuloy na imbestigasyon at mga susunod na legal na proseso, alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.
Patuloy naman ang BOC sa pagsasagawa ng administrative at legal na hakbang laban sa mga sangkot umano sa agricultural smuggling, kabilang ang mga mula sa pribadong sektor at mismong loob ng ahensya. (AM)


