WebClick Tracer

BI kinumpirmang wala sa ‘Pinas si ex-Speaker Velasco

Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) nitong Martes, Setyembre 29, na kasalukuyang wala sa Pilipinas si dating House Speaker Lord Allan Velasco.

Sa isang pahayag, sinabi ng BI na walang umiiral na hold departure order o anumang derogatory alert laban sa dating Speaker na maaaring pumigil sa kanyang pag-alis ng bansa.

“The BI cannot disclose further details concerning an individual’s immigration records due to data privacy concerns,” dagdag ng BI.

Bago nito, sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na kinumpirma ng BI sa ahensya na umalis ng bansa si Velasco patungong Nagoya, Japan noong Agosto 30.

Hindi naman aniya bumalik ang dating Speaker sa nakatakda sanang pagbabalik niya noong Setyembre 14.

Samantala, umalis din umano ng bansa ang kanyang misis kasama ang dalawang indibidwal patungong Hong Kong noong Setyembre 24 at wala pang record na nakabalik siya sa bansa na dapat sana ay noong Setyembre 27, ayon pa kay Matibag.

Nauna nang sinabi ng umano’y dating security aide ni Velasco na si dismissed police officer Rodulfo Gracioso Jr. na nag-deliver siya ng mga maletang may lamang pera kina Vice President Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Rep. Paolo Duterte, alinsunod sa utos ni Velasco. Itinanggi naman ito nina Velasco at VP Sara. (AC)