Idineklara ng Senate impeachment court si Davao City Mayor Baste Duterte bilang isang hostile witness sa impeachment trial ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte nitong Martes, Setyembre 29.
“The adverse interest of the witness has been established, and [as such] declared a hostile witness,” ani Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero.
Nauna nang binanggit ni private prosecutor Theodore Te na iisa ang mga magulang ng alkalde at ng Bise Presidente dahil pareho silang mga anak nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Elizabeth Zimmerman.
Sinabi rin ni Te na na-“publicly prejudge” na ng alkalde ang kaso sa kanyang mga pahayag na layon umano ng impeachment na pigilan ang kanyang kapatid na manalo sa 2028 presidential elections at tinawag ang mga pagdinig na “so-called lawful”.
Nagbigay lamang din umano ng testimonya ang alkalde dahil inatasan siyang gawin ito ng impeachment court, bagay na hindi sinang-ayunan ni defense lawyer Justin Gular.
Sumunod naman ang magkabilang panig sa naging pasya ng impeachment court.
Tinatalakay sa impeachment trial ang Article II ng Articles of Impeachment kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth laban kay VP Sara. (AC)


