Hindi umano sintomas ng tagumpay kundi kabiguan ng gobyerno sa ekonomiya ang mga ayuda, na palaki nang palaki ang inilalaang pondo sa mga programa nito, lalo na sa 2027 national budget na nakatakdang isalang sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa Kamara.
Ito ang binigyan diin ni House deputy minority leader at ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio na dismayado dahil dahil imbes na trabaho ang ibigay ng gobyerno sa mga tao ay ayuda na ginagamit lamang aniya sa pulitika.
“A country that does not produce cannot employ its people. What has the budget offered this majority? Not jobs, not land, not industry, but an ever-widening safety net of ayuda,” pahayag ng mambabatas.
Ayon sa mambabatas, mula sa P73 billion na pondo sa mga ayuda programa noong 2016 ay unti-unting pinalobo ito hanggang sa umabot sa P139 billion ngayong 2026 at muling ipagpapatuloy ito sa susunod na taon.
Kabilang sa mga ayuda programa ng gobyerno ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), Sustainable Livelihood Program (SLP), Food Stamp Program, Liwanag at Tubig Assistance Welfare (LITAW), Ayud para sa Kapos ang Kita Program (AKAP), Walang Gutom, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD at Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients program (MAIFIP).
“Ang papalaking pondo para sa ayuda ay sintoma hindi ng tagumpay kundi ng kabiguan ng ekonomiya. Lumalawak ang lambat dahil dumarami ang nalalaglag,” matalinghagang pahayag ni Tinio.
“Malinaw ang disensyo ng polisiyang ito ng gobyerno: paasahin ang mahihirap sa ayuda dahil nagsisilbi iyon sa patronage politics. Pinahina nang husto ang Sustainable Livelihood Program—ang programa ng DSWD na naglalayong bigyan ng kabuhayan ang mahihirap—upang bigyang-daan ang mga pondong madaling gamitin ng mga pulitiko,” dagdag pa ng mambabatas.
Noong 2024 ay kaliwa’t kanan namudmod ng ayuda ang gobyerno kung saan ang mga congressmen ay nangunguna sa distribusyon kaya nagamit aniya ang mga programang ito sa political patronage. (Bernard Taguinod)


