Tuloy ang pamamahagi ng gobyerno ng tulong pinansiyal at fuel subsidy sa mga pampublikong tsuper kahit na nagtaas na sa singil sa pamasahe.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, walang utos mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itigil ang pamamahagi ng cash aid at fuel subsidy sa mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan.
Suportado aniya ng Pangulo ang ipinatupad na taas-pasahe sa mga pampublikong sasakyan kaya umaasa ang Palasyo na titigil na ang transport strike na ikinasa ng ilang transport group hanggang Miyerkoles.
Binigyang-diin ni Castro na hindi tinutulugan ng gobyerno ang problema sa transport sector, bagkus ay tinutulungan pa ang mga ito kaya dapat ay makita ang ginagawang pagbalanse sa sitwasyon sa pagitan ng mga tsuper at commuters.
Idinagdag ni Castro na nakikita ng administrasyon ang nararanasan at nararamdaman ng mga tsuper at operator kaya inaprubahan ang fare hike hindi nga lamang sa presyong gusto ng mga ito dahil mahihirapan naman ang mga commuter. (Aileen Taliping)


