Inaasahang mararanasan pa rin sa bansa ang amihan ngayong taon, ngunit maaaring hindi ito kasinglamig noong 2025 dahil sa lumalakas na El Niño, ayon sa PAGASA.
“Compared du’n sa last amihan season natin, this could be warmer than the amihan last year. Mararanasan pa rin natin ‘yung simoy ng amihan pero hindi gano’n kalamig,” saad ni PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section chief Ana Liza Solis.
Karaniwang nagsisimula ang amihan mula ikatlong linggo ng Oktubre hanggang unang linggo ng Nobyembre at tumatagal hanggang Marso o unang bahagi ng Abril.
Una nang sinabi ng state weather bureau na kasalukuyang nakakaapekto sa bansa ang El Niño na posibleng maging “very strong” at tumagal hanggang unang bahagi ng 2027.
Samantala, mas magiging kapansin-pansin din umano ang pag-init pagsapit ng Marso, kung kailan maaaring umabot sa mahigit 39°C ang temperatura sa ilang bahagi ng Mindanao.
Nagbabala rin ang ahensya na maaaring magdulot ang El Niño ng mas mataas na temperatura at mas kaunting ulan, na maaaring magpabilis sa pagkatuyo ng lupa at makaapekto sa mga agricultural area. (AM)


