Naghain ng resolusyon ang Akbayan Reform Bloc sa Kamara de Representantes upang hilingin ang pagkilala sa Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay ng kanilang pagsali sa diplomatic walkout habang nagsasalita si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa United Nations (UN) General Assembly.
Sa House Resolution No. 1478, pinuri nina Akbayan Representatives Dadah Kiram Ismula, Chel Diokno, at Percival Cendaña, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao ang mga Pilipinong diplomat dahil sa pagpapakita ng moral na tapang at pagpapatibay sa commitment ng bansa sa human rights, international law, at kapayapaan.
“Ang ginawang pag-walkout ng ating mga diplomat sa UN ay isang malinaw at matapang na pahayag na ang Pilipinas ay hindi kailanman papayag na maging tahimik sa harap ng karahasan at paglabag sa karapatang pantao sa Gaza,” sabi ni Ismula sa isang pahayag.
“Ipinakita ng DFA na ang ating foreign policy ay nakabatay sa hustisya, kapayapaan, at pakikiramay sa mga mamamayang Palestinian na patuloy na nagdurusa,” dagdag pa ng lady solon.
Ayon sa resolusyon, ang pagsali ng Pilipinas sa walkout ay naaayon sa UN Charter, Universal Declaration of Human Rights, at constitutional mandate ng bansa na itaguyod ang isang independent foreign policy na nakabatay sa kapayapaan, pagkakapantay-pantay, at hustisya.
“Sa gitna ng kaguluhan at humanitarian crisis, mahalagang manindigan ang Pilipinas kasama ang international community,” dagdag ni Ismula. “Binabati natin ang DFA sa kanilang matatag na posisyon para sa karapatang pantao at sa katarungan.”
Ayon kay DFA spokesperson Analyn Ratonel, “The Philippines joined the walkout in global solidarity for peace in the Middle East and the call for all parties to desist from unilateral actions that erode the conditions of peace.”
“The Philippines is deeply concerned about the humanitarian crisis in Gaza and notes with alarm Israel’s efforts to advance the E1 settlement plan, and the continued rise of settler violence in the West Bank,” dagdag ni Ratonel. (Billy Begas)


