Nanawagan si Laguna Board Member Karla Adajar kay Governor Sol Aragones na maging bukas sa pagpapaliwanag hinggil sa paggamit ng pondo ng lalawigan, partikular sa mga isyung ibinabato sa Provincial Assistance and Review Center o PARC.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Adajar na ang pagtatanong tungkol sa paggamit ng pondo ay hindi dapat ituring na paninira o pamumulitika at hiniling niya ang mga dokumentong magpapakita ng pamantayan at proseso sa pagpili at pagberipika ng mga benepisyaryo ng P15,500 review assistance.
Kabilang din sa binanggit ni Adajar ang mga dokumentong hinihingi niya tungkol sa SAIP 6 at 7 na may kabuuang P179.92 milyon, gayundin ang impormasyon hinggil sa kalagayan ng mga magbababoy at staffing at benepisyo ng mga health worker sa Laguna.
Samantala, kinumpirma ni Adajar na nasa agenda na ng Sangguniang Panlalawigan ang mga reklamong inihain laban sa kanya nina Board Members Angelica Jones Alarva at Jose Cartaño, kabilang ang alegasyon ng disorderly behavior kaugnay ng kanyang mga kahilingan para sa mga dokumento.
Sinabi ni Adajar na igagalang niya ang proseso sa mga reklamong inihain laban sa kanya at sasagutin ang mga ito sa tamang forum, habang iginiit na patuloy siyang hihingi ng mga dokumentong kailangan para masuri kung paano ginagamit ang pondo ng lalawigan.
Ang usapin sa P15,500 review assistance ay hiwalay na tinututukan sa reklamong inihain sa Ombudsman laban kay Governor Aragones.
Ayon sa ulat, itinanggi na ng gobernador ang alegasyon ng iregularidad at sinabi ng kanyang panig na ang halaga ay inilaan para sa bayad sa review centers at hindi personal na allowance ng mga benepisyaryo. (Ronilo Dagos)


