WebClick Tracer

Abante-Bilyonaryo Group namayagpag sa 2026 survey ng Reuters Institute

Mas lalong lumalawak ang presensiya ng Abante-Bilyonaryo Group sa Philippine media. Tatlo sa kanilang brand ang napabilang sa 2026 survey ng Reuters Institute ng mga news outlet na madalas gamitin o basahin ng mga Pilipino.

May kanya-kanya na silang pangalan at marka sa iba’t ibang bahagi ng news market: ang Bilyonaryo para sa negosyo at mga mambabasa sa digital, ang BNC sa telebisyon, at ang Abante para sa mga mambabasa ng balitang Tagalog at masang Pilipino.

Pinakamalakas sa digital ang Bilyonaryo, kung saan 15% ng mga respondent ang nagsabing ginamit nila ang brand para sa online news noong nakaraang linggo.

Isang porsiyento na lang ang layo nito sa Manila Bulletin na nakakuha ng 16%.

Nalampasan naman ng Bilyonaryo ang PEP.ph at Yahoo News na parehong nakakuha ng 14%.

Gayundin ang Manila Times na may 10%, BBC News at DZRH News na may 9%, pati na rin sa SunStar na nakapagtala ng 8%.

Nanguna pa rin online ang GMA News Online na may 49%, habang 43% naman ang ABS-CBN News Online.

Samantala, nakakuha ang BNC ng 8% weekly reach sa offline news category ng survey, mas mataas sa DZRH News na 7% at Radyo Pilipinas na 6%. Nasa 10% naman ang GMA Super Radyo DZBB.

Kasama rin sa listahan ang Abante/Abante Tonight na nakakuha ng 6% weekly reach, na nagpapakita naman ng presensiya ng grupo sa mass-market Filipino news.

Sa offline news, nanguna ang GMA na may 48%, sinundan ng ABS-CBN na may 41%. Parehong nasa 22% ang Philippine Daily Inquirer at TV5, habang 18% naman ang Manila Bulletin at The Philippine Star.

Nilinaw sa survey na ang mga numero ay tumutukoy sa weekly brand use at hindi television ratings, website traffic o advertising market share.

Maaari ring pumili ang mga respondent ng higit sa isang news brand kaya hindi maaaring pagsamahin ang datos ng Bilyonaryo, BNC at Abante bilang isang kabuuang AB Group reach.

Mula alta hanggang masa, mayroon nang tatlong magkakaibang brand ang AB Group na nakikipag-agawan sa atensiyon ng mga Pilipino sa digital, broadcast at print.