Sinilip ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua ang pagtapyas umano sa limang taong operating requirement ng Davao City government para sa kontrata sa pagkain kaya napunta ito sa GenCorp Industries Inc., isang kumpanyang idineklara ni Vice President Sara Duterte kung saan siya mayroong business interest.
Ayon kay Chua, itinatag ang GenCorp noong 2020 at nagsimulang makakuha ng mga kontrata mula sa Davao City government noong 2022 at nagpatuloy ito hanggang 2026.
“Batay sa kanilang patakaran, kailangan ng isang kumpanya ay at least five years na existing bago makapag-participate sa bidding,” sabi ni Chua sa press conference nitong Martes.
Binanggit ni Chua ang isyu matapos sabihin ni Davao City Mayor Sebastian Duterte sa impeachment trial nitong Martes na maaaring binago ng Bids and Awards Committee (BAC) ang five-year operating requirement, ngunit hindi niya makumpirma kung nangyari ito.
Nakasaad sa dokumento ng kontrata na ang supplier ay dapat nag-o-operate na nang hindi bababa sa limang taon. Kailangang kumuha ang supplier ng certificate mula sa Business Bureau ng lungsod at isumite ito bilang eligibility document.
Sa pagdinig, tinanong ni Senator-Judge Raffy Tulfo si Mayor Duterte kung paano natugunan ng GenCorp ang five-year requirement. Sinabi ni Duterte na maaaring binago ng BAC ang patakaran.
Sa redirect examination, tinanong ng counsel ng prosecution na si Theodore Te kung may ebidensya si Mayor Duterte na binago ng BAC ang requirement. Sinabi ni Mayor Duterte na maaari niya itong tingnan.
Nang tanungin kung makukumpirma niya ang pagbabago sa pagkakataong iyon, sumagot si Mayor Duterte: “I cannot confirm.”
Sinabi ni Chua na hindi maaaring ihiwalay ng alkalde ang kanyang sarili sa proseso ng procurement dahil, bilang city mayor, siya ang head of the procuring entity (HOPE) ng Davao City.
“Bagama’t kanina ay tinatanggi ni Mayor Baste Duterte na alam niya na ang GenCorp ay may interest ang kanyang kapatid at wala siyang kinalaman sa mga bidding, hindi maitatanggi na siya ang head ng procuring entity,” sabi ni Chua.
Itinalaga ni Mayor Duterte ang mga miyembro ng BAC at ipinagkatiwala ang signing authority kay Assistant City Administrator Atty. Tristan Dwight Domingo.
Kinilala rin ng alkalde na may discretion ang HOPE na tanggihan ang isang award na hindi nakasunod sa mga procurement requirement. Hindi niya tinanggihan ang alinman sa 19 na kontratang nakuha ng GenCorp.
Naniniwala naman si Chua na hindi babaguhin ng BAC ang isang eligibility condition nang walang utos mula sa HOPE.
“Alam naman po natin, hindi magde-decide ang BAC nang walang instruction ang head ng procuring entity,” sabi ni Chua.
Nakakuha ang GenCorp ng 19 na kontrata na nagkakahalaga ng mahigit P33 milyon mula sa Davao City government. Apat dito ang dumaan sa public bidding, habang 15 ang small-value procurements.
Inamin ni Mayor Duterte na hindi niya sinuri ang bidding abstracts, corporate records ng GenCorp, o ang 19 contract files na napunta sa GenCorp. Sinabi niyang sinabi sa kanya ni Domingo na kwalipikado ang kumpanya at nakasunod ito sa mga requirement.
Sinabi ni Chua na hindi lubusang nasasagot ng mabigat na workload ang mga tanong tungkol sa isang polisiya ng lungsod o sa umano’y pagbabago nito.
“Maaaring hindi mo lahat iyan nare-review, pero walang mga patakaran ng siyudad ang mangyayari nang hindi nalalaman ng alkalde—unless inasa mo na lamang ang iyong siyudad sa ibang tao,” aniya.
“Iyong modification ba para pababain iyong requirement from five years to two years, iyon ba ay ginawa to accommodate GenCorp?” tanong ni Chua. (Billy Begas)


