Apat na lokal na mangingisda ang naaresto ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos umanong mangisda gamit ang compressor bilang underwater breathing apparatus sa karagatan ng Cajidiocan, Romblon noong Lunes.
Batay sa Coast Guard Sub-Station Cajidiocan, nagsasagawa ng seaborne patrol ang kanilang mga tauhan sa katubigan sa bahagi ng Sitio Cagban, Barangay Cambalo nang makita ang apat na mangingisda na umano’y gumagamit ng compressed air habang nangingisda.
Nasamsam sa operasyon ang isang hindi rehistradong motorized fishing boat, 12-horsepower Yamaha engine, compressor, air tank, tinatayang 100 metro ng hose, flippers, goggles at flashlight.
Tinatayang nasa P49,200 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang kagamitan.
Isinailalim sa kustodiya ng CGSS Cajidiocan habang ang bangka at iba pang kagamitan ay inihanda para sa dokumentasyon at turnover sa Municipal Agriculture Office.
Ayon sa PCG mahigpit na ipinagbabawal ang ganitong uri at paraan ng pangingisda alinsunod sa umiiral na batas. (Ronilo Dagos)


