Matapos iharap si Davao City Mayor Sebastian Duterte, magsasalang ng apat hanggang anim na testigo ang House prosecution panel bago tapusin ang presentasyon ng mga ebidensya kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth ni Vice President Sara Duterte.
“If I’m not mistaken, I think four to six more personalities that we will invite,” sabi ni Barbers sa isang panayam sa telebisyon,
Sinimulan ng prosekusyon ang presentasyon ng mga ebidensya sa Article II noong Setyembre 14, kabilang ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth, corporate interests, government contracts, at iba pang financial matters ng bise presidente.
Nang tanungin kung kabilang sa natitirang apat hanggang anim na testigo ang mga opisyal ng GenCorp o iba pang kumpanyang konektado sa mga idineklarang business interests ng Pangalawang Pangulo, sumagot si Barbers: “No, Hindi pa yan kasama.”
“Those are the witnesses that we have lined up, and we submitted during the pre-trial conference and was already approved in the trial order. Kung mayroon naman kaming maidadagdag based on the rules, dapat magsabi kami sa impeachment court at least five days prior to the issuance of the subpoena,” paglilinaw ni Barbers.
Sinabi ni Barbers na nagpapatuloy din ang pag-uusap ng prosekusyon kung tatawagin bilang testigo ang asawa ni Duterte na si Atty. Manases Carpio, na lumilitaw ang pangalan sa mga financial at corporate records na sinusuri kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth. (Billy Begas)


