WebClick Tracer

VP Sara ‘tong-its’ na sa 3 business interest violations – Luistro

Kumbaga sa sugal, na-“tong-its” na umano ng prosecution si Vice President Sara Duterte sa pagnenegosyo, lalo na sa gobyerno, gayung ipinagbabawal ito ng Saligang Batas sa mga tulad niyang public servant.

Ayon kay lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro, naestablisa ang tatlong paglabag ni Duterte sa pagkuha ng kontrata sa gobyerno partikular na sa Davao City Hall matapos ang pagtestigo ni Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) Division Chief Rendell Sopeña.

Kinumpirma ni Sopeña na nakuha ng kontrata ang Gencorps sa Davao City Hall na unang inamin ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na umaabot ng P33 milyon na ayon kay Luistro ay hindi maaaring kuwestiyonin ang kredibilidad ng mga dokumento sa mga kontratang ito.

“How are you going to question the credibility of the document, especially if it is issued by government offices? This is with respect to PhilGeps na sabi ko nga kanina in relation doon sa question ni Honorable Senator-Judge Raffy Tulfo eh merong tatlong violations siyang in-imply,” ani Luistro.

“One is prohibition on owning a business. Two is prohibition on operating a business and three is conflict of interest. Kaya by analogy, nabanggit ko kung tong-it ito. Hindi one hit, hindi two hits, kundi three hits,” dagdag pa ni Luistro.

Ang Gencorp Industries Inc,. ay idineklara ng pangalawang pangulo sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) bagama’t hindi siya nakalista na isa sa may-ari na general information sheet na isinumite ng kumpanya sa Securities and Exchange Commission (SEC).

Sinabi ni Luistro na mahigpit na ipinagbabawal sa batas na magkaroon ng business interest ang government officials tulad ni Duterte habang siya ay nasa puwesto kaya sa isyung pa lamang aniyang ito, ay tatlong beses na umano nilang naiskoran ang pangalawang pangulo.

“Sa tong it, pag pangalawang talo mo na, ang tawag doon sa tong it na two hits ka Kung prevalent yung tatlong violation. Hindi yan two hits, three hits yan,” dagdag pa ng mambabatas. (Bernard Taguinod)