Sinagot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Vice President Sara Duterte sa pahayag nitong desperado na ang gobyerno na mapabagsak ito at tinawag itong nonsense, mahilig magsinungaling o “buwaon”.
Kasunod ito ng paglutang ng dating security aide ni dating House Speaker Lord Allan Velalsco na si Rodulfo Gracioso at nagsabing naghatid ito ng P2 bilyong cash sa Bise Presidente.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, nakarating kay Pangulong Marcos Jr. ang pahayag ni VP Sara na pinanghihinaan na ang administrasyon dahil sa impeachment kaya nagsalita ito at nagbigay ng ganting-pahayag sa Bise Presidente.
Sinabi ni Castro na alam naman ng lahat na walang basehan ang mga pag-aakusa ng Bise Presidente kaya nagsalita na si Pangulong Marcos at sinabing nonsense ang kanyang sinasabi.
Kaugnay naman sa paglutang ni Gracioso, malalaman lamang ang katotohanan kung may maipapakita itong ebidensiya sa akusasyon na magiging basehan ng imbestigasyon.
Binigyang-diin ni Castro na ayaw ng Pangulo ang mga gawa-gawang kuwento para lamang pabagsakin ang isang tao kaya dapat na patunayan ng dating tauhan ni Velasco kung totoo ang mga sinasabi nitong naghatid ito ng P2 bilyong cash kay VP Sara. (Aileen Taliping)


