Nasugatan ang 11 katao matapos araruhin umano ng isang Toyota Innova ang dalawang pedestrian bago sumalpok sa isang passenger jeepney sa Sta. Rosa-Tagaytay Road, Barangay Puting Kahoy, Silang, Cavite.
Batay sa imbestigasyon ng Silang Municipal Police Station, dakong alas-4 ng hapon noong Sabado nang pansamantalang huminto sa shoulder lane ang jeepney para magbaba ng pasahero.
Habang muling umaandar ang jeepney, sumalpok umano rito ang paparating na Innova na minamaneho ng isang 43-anyos na lalaki, matapos nitong unang mabangga ang dalawang pedestrian na naglalakad sa gilid ng kalsada.
Dahil sa lakas ng banggaan, nasugatan ang pitong sakay ng jeepney, dalawang pedestrian at dalawang pasahero ng Innova.
Agad na rumesponde ang Silang MDRRMO at isinugod ang mga nasugatan sa The Medical City Sta. Rosa at QualiMed Hospital para sa agarang lunas, habang inaresto naman ang driver ng Innova.
Nahaharap ang driver sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to properties. (Ronilo Dagos)


