Nawasak ang ilang sasakyan at nasugatan ang isang truck helper matapos mawalan umano ng preno ang isang wing van truck at magtuloy-tuloy sa pababang kalsada sa Diversion Road, Barangay Angeles, Atimonan, Quezon.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Atimonan Municipal Police Station, dakong alas-5:20 ng hapon noong Linggo nang mawalan ng kontrol at bumulusok pababa sa kalsada ang truck habang patungong south direction dahil umano sa depektibong preno.
Unang bumangga ang truck sa concrete fence sa junction ng highway, bago tumuloy sa bahagi ng isang Gas Station at sumalpok sa anim na nakaparadang motorsiklo.
Huminto lamang ang truck matapos sumalpok sa isang konkretong pader at tuluyang tumagilid.
Nagtamo ng sugat ang 32-anyos na truck helper at isinugod sa Doña Marta Memorial District Hospital
Dahil din sa pangyayari, sumabog sa kalsada ang ang mga kahon-kahong grocery na karga ng truck na umano ay pinagkaguluhan at pinagkukuha ng mga bystander sa lugar.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at iniimbestigahan din ang umano’y pagkuha ng kargamento matapos ang insidente. (Ronilo Dagos)


