Hanga ang NBA legend at four-time champion na si Tony Parker sa passion ng mga Pilipino, kasabay ng kanyang pagbabalik sa Pilipinas makalipas ang isang dekada.
“The people. Everybody is so passionate. I love it,” ani Parker sa pagbisita niya sa ArenaPlus booth sa inaugural NBA House Philippines sa SPACE at One Ayala sa Makati City noong Agosto 30.
Dumalo sa dalawang araw na event ang maraming Pilipinong basketball fans para makilahok sa iba’t ibang aktibidad at makita sina Parker, Jason Kidd at Lauren Jackson.
Nakilahok din si Parker sa ArenaPlus Shootout Challenge kung saan nakapagtala siya ng ilang baskets bago nakipag-picture sa mga empleyado, executives at VIPs ng ArenaPlus.
Unang nagtungo sa Pilipinas si Parker noong 2016 upang katawanin ang French Men’s National Team sa Olympic Qualifying Tournament sa Maynila. Kalaunan, nakakuha ng puwesto ang France sa 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.
Makalipas ang 10 taon, nagbalik si Parker sa bansa bilang isang NBA legend at Naismith Basketball Hall of Famer.
“I like the whole atmosphere. The whole energy is amazing,” ani Parker.
Sa NBA House Celebrity Showcase, muling nagharap sina Parker at Jason Kidd, na unang nagkaharap sa 2003 NBA Finals. Pinangunahan ni Parker ang Team Parker sa 97-76 panalo kontra Team Kidd.
Matapos ang kanyang huling NBA game noong 2019, nanatiling malapit si Parker sa basketball sa pamamagitan ng coaching.
“Nothing compares to playing. But now I’m coaching, and I love it. I want to give back. I want to share my experiences, so I take a lot of joy in that,” ani Parker.
Bagama’t nagbago na ang kanyang papel sa basketball, nanatiling pamilyar para kay Parker sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas ang matinding pagmamahal ng mga Pinoy sa laro. (AC)


