WebClick Tracer

Tax exemption sa mga atleta, coach pinararatsada ni Yamsuan

Umapela si Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan sa liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na iratsada na ang pagpapatibay sa panukalang batas na magkakaloob ng mga tax exemption sa lahat ng insentibo, reward, donasyon, at iba pang natatanggap na tulong ng mga national athlete at kanilang mga coach.

Ginawa ng mambabatas ang panawagan sa gitna ng ASIAN Games sa Nagoya Japan, kung saan nakakuha na ng 12 medalya ang mga Atleta sa pangunguna ni Caloy Yulo na nakakuha na ng dalawang gintong medalya.

Sa ilalim ng House Bill (HB) 9470 na nakabinbin ngayon sa Kamara, hindi lamang ang mga Filipino athletes na nananalo sa local at international sport competition, ang makikinabang sa tax exemption kundi lahat mga atleta.

“Our athletes train hard for years and give their best to bring honor and glory to our country. Karapat-dapat lang na matanggap nila ng 100 percent ang anumang reward, bonus o donasyon na ibibigay sa kanila,” ani Yamsuan.

Dahil dito, ihinain ng nasabing panukala para amyendahan ang ilang probisyon sa Republic Act (RA) 10699 o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act kung saan naipasa na aniya ito sa House Ways and Means Committee subalit hindi pa naisasalang sa plenaryo.

Sa ilalim ng nasabing batas, makakatanggap ng P2 million ang mga atleta na makakapag-uwi ng ginto, P1 milyon sa silver at P400,000 sa bronze subalit hindi ito libre sa buwis at maging mga donasyon na nattaanggap ng mga ito.

Layon din umano ng nasabing panukala na makaengganyo ng mas maraming donors mula sa pribadong sektor para tulungan ang mga atleta na pondohan ang kanilang training at iba pang gastos ng mga atleta.

“We call on our fellow lawmakers to enact this measure soon as a concrete demonstration of Congress’ unwavering support to our athletes and the next generation of aspiring Filipino sports champions and their coaches,” ani Yamsuan.

“Bagamat may mga atleta tayong hindi nakapag-uwi ng medalya, dapat ay hindi balewalahin ang kanilang mga pagsisikap at sakripisyo na ibinuhos sa loob ng maraming taon. Providing them the same tax -free benefits granted to winning athletes will encourage them to continue their training and development. It will also incentivize donors to continue supporting them,” ayon pa kay Yamsuan. (Bernard Taguinod)