WebClick Tracer

Sol Aragones kinondena ang graft complaint laban sa kanya

Mariing kinondena ni Laguna Governor Sol Aragones ang umano’y pagpapakalat sa social media ng reklamo laban sa kanya bago pa man umano niya natanggap ang opisyal na kopya ng dokumento mula sa Office of the Ombudsman.

Sa inilabas na pahayag ngayong September 28, sinabi ni Aragones na ang naturang pagpapakalat ay nagpapakita umano ng masamang layunin at pagtatangkang sirain ang kanyang reputasyon.

Sinabi rin ng gobernador na nakalulungkot umanong inuuna ang pamumulitika sa halip na pagtutok sa serbisyo publiko, habang iginiit niyang hindi niya isasakripisyo ang kanyang integridad at pananagutan sa pampublikong paglilingkod.

Ayon kay Aragones, hindi pa niya natatanggap ang opisyal na kopya ng reklamo na inihain ni Laguna Board Member Lorenzo Zuñiga Jr. sa Ombudsman kaya hinihintay muna niya ang pormal na dokumento bago ito suriin ng kanyang legal team.

Inihain ni Zuñiga ang graft complaint kaugnay ng umano’y iregularidad sa pagpapatupad ng financial assistance at Civil Service Review Program, kabilang ang P15,500 na inilaan umano sa bawat benepisyaryo at mga dokumentong hinihinging masuri kaugnay sa programa.

Samantala, sinabi ni Aragones na maglalabas siya ng buo at pormal na sagot matapos matanggap at masuri ang reklamo sa tamang proseso at legal forum, at tiniyak sa mga taga-Laguna na magpapatuloy ang mga programa at serbisyo ng kanyang administrasyon. (Ronilo Dagos)