Hindi umano dapat na palampasin ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na inilalarawan ang impeachment trial na bilang isang “sarswela,” ayon kay House prosecution panel adviser at spokesperson Ace Barbers.
Sinabi ni Barbers na ang pahayag ni Duterte ay isa umanong pagkuwestyon sa integridad ng Senate impeachment court at maaaring ituring na contempt.
“This questions the integrity of the court, so dapat ito huwag palampasin. Dapat tingnan ito at silipin ng ating impeachment court kung ano ang nararapat na kanilang aksyon hinggil dito sa binitawang salita ng ating Pangalawang Pangulo,” sabi ni Barbers sa press briefing nitong Lunes.
Sa isang panayam noong Biyernes, tinanong si Duterte kung personal siyang dadalo sa kanyang impeachment trial.
Sagot ni Duterte, “Ano ibig sabihin, manood ako sa kanilang sarswela?”
Ipinunto ni Barbers na bagama’t kinakatawan si Duterte ng kanyang defense team sa Senate impeachment court ay naglalabas pa rin ito ng mga nakaka-insultong pahayag at inaatake ang integridad ng impeachment court.
Ayon naman sa counsel for the prosecution at legal spokesperson na si Benjamin Tolosa Jr. na maaaring ang “sarswela” remark ng Pangalawang Pangulo ay hindi lamang paglabag sa sub judice rule ng Senate court kundi maaaring contempt.
“Hindi lang ito violation ng sub judice, even contempt of court. These statements are not just inflammatory, but they attack the integrity of the court,” sabi ni Tolosa.
Ipinaalala rin ni Tolosa ang naunang pahayag ni Duterte na kinokontrol ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga senator-judge at prosecutor.
Nagbabala siya na ang hindi pagtugon sa mga ganitong pahayag ay maaaring makasira sa tiwala ng publiko sa anumang magiging desisyon laban kay Duterte dahil sa mga pahayag na minamanipula ang mga paglilitis sa halip na ibatay sa ebidensya at due process.
“Kaya ho ito, we cannot take this lightly,” sabi ni Tolosa.
Nanawagan din si Tolosa na pantay na ipatupad ang mga patakaran ng impeachment court, at sinabi na sinilip ng korte ang mga pampublikong pahayag ng mga prosecutor.
“Pakita natin dito na wala hong iniilagan, na kahit sino na saklaw ng rules ng impeachment proceedings na ito, dapat i-apply ho natin ’yan with equal force, equal strength,” sabi ni Tolosa. “Kung magiging istrikto tayo, dapat pare-pareho ’yan sa lahat.”
Sinabi naman ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na saklaw ng patakaran ng Senate court si Duterte bilang respondent sa kaso.
“Siguro panoorin po natin ngayon kung ano po ang magiging reaksyon ng ating kagalang-galang na impeachment court,” sabi ni Chua. “Bagama’t kami naniniwala na iyong mga ganitong pananalita ay dapat hindi pinapalagpas.” (Billy Begas)


