WebClick Tracer

Rambol sa Panglao bar: Turistang Kano todas sa hampas ng upuan

Patay ang isang 63-anyos na Amerikanong turista matapos umanong hampasin ng upuan sa gitna ng kaguluhan sa isang bar sa Panglao, Bohol nitong Setyembre 27.

Kinilala ang biktima sa alyas na “William”, na nakatira noon sa isang resort sa Barangay Tawala, Panglao.

Batay sa paunang imbestigasyon, nangyari ang insidente sa Escape Bar sa kahabaan ng Alona Beach.

Nakatanggap umano ng ulat ang tourist police tungkol sa kaguluhan bandang alas-11:45 ng gabi.

Nagtalo umano si “William” at ang 41-anyos na suspek, na kapwa raw nakainom.

Nauwi umano ang dalawa sa suntukan hanggang sa kunin ng suspek ang isang upuan at ipinampalo kay “William”.

Nawalan umano ng malay ang biktima. Isinugod siya sa isang ospital sa Tagbilaran City ngunit idineklarang dead on arrival bandang alas-12:20 ng hatinggabi.

Naaresto naman ng mga rumespondeng tourist police ang suspek na nanatili sa lugar ng insidente. (IS)