Nasa kalagitnaan na ang mga ebidensiyang ihaharap ng prosecution panel sa Senate impeachment court kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth ni Vice President Sara Duterte, ayon kay House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua.
“Siguro masasabi namin, mga pakalahati na tayo,” sabi ni Chua sa press conference nitong Lunes.
“Ito iyong parang puzzle na binubuo natin unti-unti para makita po natin talaga kung gaano kalaki ang yaman ng ating Vice President,” dagdag pa ng mambabatas.
Iniharap na ng prosekusyon ang mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALNs) ni Duterte mula 2007 hanggang 2025. Ipinakita ng mga dokumento na tumaas ang kanyang idineklarang net worth mula sa P7.25 milyon noong 2007 hanggang P98.66 milyon noong 2025.
Tinalakay ng mga testigong iniharap ng prosekusyon ang mga idineklarang business interests ni Duterte, SEC corporate filings, at PhilGEPS records, kabilang ang 49 government contracts na iginawad sa GenCorp Industries Inc. na nagkakahalaga ng P35.878 milyon.
Sinabi ni Chua na sinusuri pa rin ng prosekusyon kung nakapaloob na sa P98.66 milyon na idineklara ni Duterte sa kanyang SALN ang lahat ng kanyang yaman.
“Ito ba ay hanggang dito na lamang, o mas marami pa siyang hindi nai-declare?” tanong ng mambabatas.
“Iyong susunod na kalahati, masasabi po natin na mas mabibigat,” dagdag pa ni Chua. “Papunta na tayo doon sa mga exciting part itong linggong ito.” (Billy Begas)


