Arestado ng Makati City Police ang isang 25-anyos na pedicab driver na kinilalang si alyas “Jericho” dahil umano sa pagnanakaw sa isang bahay sa exclusive village na Forbes Park noong Setyembre 24.
Ayon sa ulat ni Chill Emprido sa “Agenda” ng Bilyonaryo News Channel, tinatayang P50,000 cash at mga alahas na nagkakahalaga ng P40,000 ang umano’y natangay ng suspek sa bahay ng isang 76-anyos na residente.
Nagising umano ang biktima matapos makarinig ng ingay mula sa kuwarto ng kanyang apo.
Nang puntahan niya ito, nakita umano niya ang isang lalaki na kulot ang buhok, may tattoo sa kanang bahagi ng mukha malapit sa mata at tinatayang 5’8” ang taas.
Nang mapansin umano ng suspek ang presensiya ng biktima, agad itong tumakas at tumalon sa bintana ng kusina ng bahay.
Sa pagrebyu sa CCTV footage, nakita umano si alyas “Jericho” na umaakyat sa bakod ng village bago pumasok sa bahay ng biktima.
Nahagip din ng CCTV ang pagtakas nito makalipas ang ilang oras, pati ang pag-akyat umano nito sa bakod patungong Ayala Avenue corner McKinley Road.
Positibo naman umanong kinilala ng biktima at ilang security personnel ang suspek matapos ipakita ang kanyang mugshot.
Batay naman sa intelligence information ng PNP, dati na rin umanong nasangkot si alyas “Jericho” sa iba pang kaso ng panloloob sa ilang exclusive subdivision sa Makati.
Napag-alaman din na miyembro umano siya ng akyat-bahay syndicate na Labjata Criminal Group.
Nahaharap ngayon ang suspek sa reklamong robbery na inihain sa Makati Prosecutor’s Office.
Panoorin ang ulat sa September 28 episode ng “Agenda” sa Bilyonaryo News Channel.
Napapanood ang “Agenda” mula Lunes hanggang Biyernes, 6:00 PM sa Free TV Channel 31, Cignal Channel 24, TCL Smart TV, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, at sa official YouTube at Facebook accounts ng Bilyonaryo News Channel. (IS)


