Patuloy ang search and rescue operations at imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay ng paglubog ng MV June Aster sa Coron, Palawan.
Sa programang “The Commanders” ng Abante, simulcast sa Bilyonaryo News Channel, sinabi ni PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na walo pa ang nawawala at patuloy ang aerial surveillance sa mga lugar mula Palawan hanggang Southern Tagalog.
Nakikipag-ugnayan din aniya ang PCG sa mga kalapit na probinsya at coastal barangays upang makatulong sa paghahanap sa mga nawawala.
Samantala, sinabi ni Cayabyab na nagsampa na ang PCG ng criminal complaint sa National Prosecution Service ng Department of Justice kaugnay ng umano’y falsification of public documents sa ilalim ng Article 172 ng Revised Penal Code.
“Titingnan natin ‘yung nakita po nating mga discrepancies, particularly sa mga manifesto, ‘yung Master’s Declaration of Safe Departure na una po isinumite ng kapitan. At patuloy po diyan ang isinasagawa rin po nating maritime safety investigation,” ani Cayabyab.
Patuloy rin umano ang maritime safety at maritime casualty investigation ng PCG upang matukoy ang sanhi ng insidente, habang makikipag-ugnayan din ito sa Bureau of Fire Protection (BFP) para sa joint determination sa pinagmulan ng sunog.
“Sa lahat po ‘yan ay ating isusumite sa Department of Transportation at iha-harmonize po itong result ng investigation,” dagdag niya.
Patuloy rin aniya ang pagbibigay ng PCG ng legal assistance sa mga pamilyang apektado ng insidente.
Panoorin ang buong panayam sa September 28 episode ng “The Commanders” kasama sina Cayabyab at Rear Admiral Armand Balilo (Ret.) sa Abante at simulcast sa Bilyonaryo News Channel.
Mapapanood ang programa Lunes hanggang Biyernes, alas-5 ng hapon, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, at sa YouTube at Facebook accounts ng Abante. (AC)


