Ipinag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagsusuri sa financial support na ibinibigay sa mga atletang Pilipino na sumasabak sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, magsasagawa ng imbestigasyon ang pamahalaan para alamin kung may pagkukulang at kung may sports official na dapat managot sakaling may maling paggamit ng pondo.
“Unang-una, papaimbestigahan po ito para malaman natin kung ano ba iyong naranasan ng ating mga athlete, mga ating manlalaro,” ani Castro sa press briefing nitong Setyembre 28.
“Hindi po kasi gusto ng ating Pangulo na iyong mga nagre-represent sa ating bansa ay sila pa ang nahihirapan. Dahil parang hindi tumutugon ang gobyerno sa pangangailangan nila. Ayaw na ayaw po iyan ng Pangulo,” dagdag niya.
“Alam na naman din natin kung gaano pinahahalagahan ng ating Pangulo ang ating mga manlalaro. So ganito pong pagkakataon kinakailangan itong pagtuunan ng pansin, kung saan may kulang, sino may pagkukulang at kung ang mga ibinibigay na mga ganitong pamamahayag ay tama at may basehan,” saad pa ni Castro.
Ito’y matapos ibunyag ni Alas Pilipinas Men captain Bryan Bagunas ang problema ng koponan sa financial support para sa kanilang training at iba pang gastusin.
Ani Bagunas, hindi pa natatanggap ng mga miyembro ng koponan ang kanilang regular na allowance simula noong Hulyo kaya napilitan ang ilan na manghiram ng pera.
Matapos ang reklamo, kinilala ng Philippine National Volleyball Federation ang mga concern ni Bagunas at humingi ng paumanhin sa mga national athlete. (IS)


