WebClick Tracer

P143B koleksyon sa sin tax ilagay na sa PhilHealth – Ismula

Hinimok ni Akbayan party-list Rep. Dadah Kiram Ismula ang kanyang mga kapwa kongresista na sundin ang batas at agad na ilaan ang P143 bilyong sin tax collection sa Universal Health Care program sa ilalim ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Sinabi ni Ismula na dapat idagdag ang P143 bilyon na hindi nairemit na sin tax collections panukalang alokasyon ng PhilHealth sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP). Kung mangyayari, aabot umano ang kabuuang budget ng PhilHealth para sa susunod na taon sa P218 bilyon.

“May pera naman pala ang gobyerno mula sa sin tax na nakatabi para sa Universal Health Care, pero bakit kailangan pa ring mamalimos ng ating mga kababayan sa AICS o MAIFIP kapag nagkakasakit?” sabi ni Ismula, na ang tinutukoy ay ang Assistance to Individuals in Crisis Situation ng DSWD at Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients ng DOH.

“Ang pagbibigay ng karagdagang PHP 143 billion sa PhilHealth na naaayon sa batas ay hindi hinging-tulong ito ay karapatan ng mamamayan,” dagdag pa ng lady solon.

Ginawa ni Ismula ang pahayag matapos lumabas sa budget deliberation na sa kasalukuyan ang sinasagot ng PhilHealth ay wala pa sa kalahati ng average medical bill ng isang pasyente, dahilan upang sagutin ng mga pamilya ang natitirang gastos o umasa sa social assistance programs.

Iginiit din ng lady solon ang malaking kakulangan sa coverage para sa mga kritikal na sakit kahit pa itinaas ng PhilHealth ang Z Benefit package nito para sa breast cancer sa hanggang P1.4 milyon.

Noong 2025, sinabi ni Ismula na tatlong breast cancer patients lamang sa buong bansa ang nakagamit ng maximum na P1.4-milyong coverage, habang karamihan sa mga claimant ay P100,000 lamang ang natanggap.

“Para sa mga cancer patients na hindi na makatrabaho habang nagpapagamot, ang sapat na pondo sa PhilHealth ay lifesaving para sa kanila at sa kanilang mga pamilya,” dagdag pa ni Ismula. “Kailangang tiyakin ng DBM at ng Kongreso na hindi bababa sa PHP 218 billion ang mapupunta sa PhilHealth para sa 2027.” (Billy Begas)