WebClick Tracer

Online gaming player nagpasaklolo sa NBI matapos hindi raw ibigay sa kanya ang mahigit P433M premyo

Nagpasaklolo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang online gaming player matapos umanong hindi ibigay sa kanya ng sikat na online gaming platform ang mahigit P433 milyon na premyong napanalunan niya.

Sa “Agenda Weekend” report ni Andrea Salve, sinabing nagtungo sa NBI si alyas “Bingo” kasama ang kanyang abogado.

Nanalo umano si alyas “Bingo” ng kabuuang halaga na P433,628,506.38 sa ultimate jackpot prize ng Lucky Spin habang naglalaro sa online platform noong Marso.

Ikinuwento ng complainant na labis siyang na-excite nang makita niyang tumama siya sa roleta at umabot sa mahigit P433 milyon ang kanyang napanalunan ngunit kalaunan ay nadismaya nang sabihin ng customer service na nagka-glitch at may maintenance ang sistema.

Ayon naman sa kanyang abogadong si Atty. Mark Angelo Roque, mayroon nang obligasyon ang platform sa sandaling manalo ang isang player.

“The moment na nanalo ka doon sa isa nilang game, pataya nila, meron na sila obligasyon, binding na ‘yun, ibigay nila kung ano ‘yung sinasabing napanalunan,” pahayag ni Atty. Roque.

“Humihingi kami ng hustisya dito, ibigay nila kung ano ang dapat para sa kanya,” dagdag pa niya.

Sa ngayon, patuloy pang humihingi ng pahayag ang Bilyonaryo News Channel sa pamunuan ng naturang online gaming platform hinggil sa isyung ito ngunit wala pa silang pormal na sagot.

Panoorin ang ulat sa September 27 episode ng “Agenda” sa Bilyonaryo News Channel.

Napapanood ang “Agenda” mula Lunes hanggang Biyernes, 6:00 PM sa Free TV Channel 31, Cignal Channel 24, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, at sa official YouTube at Facebook accounts ng Bilyonaryo News Channel. (IS)