WebClick Tracer

NCRPO tiniyak kahandaan sa 3 araw na tigil-pasada

Tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kahandaan nito para panatilihin ang seguridad at magbigay ng tulong sa mga komyuter na apektado ng transport strike simula ngayong Lunes hanggang Miyerkoles.

Inatasan ni NCRPO OIC Brig. Gen. Christopher Abrahano ang mga police district at station na makipag-ugnayan sa mga LGU, transport authorities at iba pang ahensya para sa seguridad at agarang tulong sa mga lugar na posibleng makaranas ng matinding pagsisikip at kakulangan ng masasakyan.

Sinabi ni Abrahano na igagalang ng pulisya ang karapatan ng mga transport group na magprotesta nang mapayapa, ngunit hiniling niyang panatilihing maayos ang kilos-protesta at respetuhin ang mga driver at operator na patuloy na bibiyahe.

Pinaigting din ang police visibility sa mga terminal, pangunahing kalsada, business districts, paaralan at iba pang lugar na maraming commuter, at ipinatupad din ang NCRPO ng “Libreng Sakay” para matulungan ang mga pasaherong stranded. (AM)