WebClick Tracer

Motorsiklo sumalpok sa poste; driver dedbol, backrider kritikal

Nasawi ang driver ng motorsiklo habang kritikal ang kanyang backrider matapos sumalpok ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa dalawang konkretong poste sa Barangay Taysan, San Jose, Batangas.

Batay sa imbestigasyon ng San Jose Municipal Police Station, dakong alas-1:20 ng madaling araw noong Linggo nang mawalan umano ng kontrol ang motorsiklo habang binabagtas ang isang kurbadang bahagi ng kalsada.

Unang sumagi ang motorsiklo sa isang konkretong poste bago ito bumulusok at tuluyang sumalpok sa isa pang poste.

Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng mga pinsala ang 26-anyos na driver at ang 18-anyos nitong backrider at kapwa isinugod sa San Jose District Hospital.

Idineklarang dedo on arrival ng doktor ang driver, habang nananatiling kritikal ang kondisyon ng backrider.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, kapwa umano nasa impluwensiya ng alak ang driver at backrider nang mangyari ang aksidente. (Ronilo Dagos)