WebClick Tracer

Marinduqueños nag-prayer rally para sa $100M Marcopper settlement

Nakiisa sa prayer rally sa harap ng Kapitolyo sa Marinduque ngayong Lunes ang mga residente at iba’t ibang sektor upang hilingin sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapalabas ng komunikasyong may kaugnayan sa $100-milyong settlement para sa rehabilitasyon ng lalawigan.

Pinangunahan ni Bishop Edwin Panergo ang panawagan, kasunod ng inilabas niyang pastoral letter na nag-aanyaya sa mga mamamayan, anuman ang relihiyon, na makiisa sa panalangin at pagpapahayag ng kanilang paninindigan.

Ayon sa mga organizer, mahalaga ang hinihintay na DENR communication dahil bahagi ito ng mga kondisyong kaugnay ng settlement agreement sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque at Barrick Mining Corporation.

Nais ng mga nag-rally na mailabas ang komunikasyon bago ang October 4, 2026 deadline, at hiniling din kay Governor Melecio “Mel” Go na tulungan ang mga residente sa pakikipag-ugnayan sa DENR.

Samantala, sinabi ng provincial government na kailangan ang teknikal na pagsusuri ng DENR upang matukoy kung sapat ang $100 milyon para sa kinakailangang environmental rehabilitation o remediation sa Marinduque.

Ang settlement ay nag-ugat sa matagal nang usapin kaugnay ng environmental damage mula sa operasyon ng Marcopper, matapos ang mga kasunduan noong 2025, kung saan nakatakdang bayaran ng Barrick ang $100 milyon sa probinsya sa loob ng tatlong taon, subject sa mga kondisyon ng kasunduan. (Ronilo Dagos)