Hindi nananakot at lalong walang kinatatakutan ang gobyerno!
Ito ang tugon ng Malacañang sa pahayag ng grupong PISTON na natatakot na umano ang gobyerno sa welga ng kanilang grupo kaya binantaan sila na pagmumultahin sa kanilang kilos protesta.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, walang dahilan para matakot ang gobyerno dahil ang protesta ay karapatan ng sinuman, at hindi kailangan humadlang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa anumang uri ng kilos protesta.
Binigyang-diin ni Castro na kinikilala ng gobyerno ang karapatan at malayang pamamahayag subalit ibang usapan na aniya kapag iba na ang ginagawa at lumalabag na sa batas.
Kaugnay naman sa inaprubahang pamasahe kung saan naliliitan ang mga tsuper at operator, sinabi ni Castro na binabalanse ng gobyerno ang sitwasyon dahil marami ang nabibigatan sa pagtaas ng pamasahe at hindi puwedeng iisang grupo lamang ang panalo.
Binigyang-diin ni Castro na lahat ay ginagawa at pinag-aaralan upang hindi gaanong maramdaman ng mga commuter ang epekto ng taas-pasahe. (Aileen Taliping)


