WebClick Tracer

Macalintal humirit sa SC: Ideklarang unconstitutional ang pagpapaliban sa BSKE

Hiniling ni election lawyer Romulo Macalintal sa Supreme Court na ideklarang unconstitutional ang pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Kasunod ito ng paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Republic Act No. 12326, na inililipat ang susunod na regular na BSKE mula Nobyembre 2, 2026 patungong Nobyembre 2028.

Hiniling din ni Macalintal ang temporary restraining order (TRO) o Status Quo Ante Order upang pigilan ang pagpapatupad ng batas at maipagpatuloy ang paghahanda ng Comelec para sa 2026 elections.

Kung hindi ito posible, nais niyang magtakda ang SC ng petsang malapit sa orihinal na iskedyul.

Ayon kay Macalintal, hindi dapat gamitin ang bagong batas upang palawigin nang retroactive ang termino ng mga kasalukuyang barangay at SK officials.

Iginiit niyang dapat ilapat ang limang taong termino sa mga opisyal na mahahalal sa susunod na halalan.

Kinuwestyon din niya ang mabilis na pagpasa at publication ng batas at ang ilang probisyon nito, na aniya ay maaaring lumabag sa mga itinakdang constitutional requirement. (AM)