Nangangamba si lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na posibleng umabot ng hanggang sa susunod na taon ang paglilitis sa Article 2 o unexplained wealth kung ayaw kilalanin ng depensa ang bank accounts ng kanilang kliyenteng si Vice President Sara Duterte.
“Pero kung talagang tinanggihan na nila iyong admission, tatanggihan pa rin nila iyong stipulation, aba, talagang wala kaming choice kung hindi isa-isang ipa-identify itong mga dokumentong ito,” ani Luistro.
“So abutin po tayo ng next year. Huwag naman,” dagdag pa ng mambabatas sa press conference matapos ang ika-30 araw ng paglilitis.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos hindi pumayag si lead defense counsel Shiela Sison na iistipulate ang mga bank accounts ni Duterte na isinumite ng 10 bangko sa Impeachment court dahil hindi pa umano tapos ang magmamarka sa mga dokumento.
Ayon kay Luistro, 10 hanggang 20 witness na hindi na ihaharap kapag inamin ng depensa na tunay ang mga bank accounts na ito subalit kung hindi ay aabutin ng siyam-siyam ang pagsusuri mga bank records ng pangalawang pangulo at mister nitong si Atty. Manases Carpio.
Subalit ang hindi maintindihan aniya ni Luistro kung bakit ayaw iadmit ng depensa ang mga bank record na ito gayung ang mga ito ay pag-aari ng pangalawang pangulo.
“Ano bang dahilan, bakit hindi mo i-admit ang dokumento na sa inyo naman nanggaling? ’Di ba? Eh dokumento ng respondent, eh. Account ng respondent, ’di ba?” tanong ni Luistro.
“So why will they deny authenticity of these documents, which were directly submitted by the banks to the honorable impeachment court?” dagdag pa ng mambabatas.
Sinabi ng mambabatas na sa dami ng bank accounts at transaction ng pangalawang pangulo, dalawang van ng dokumento na isinumite ng bawat bangko sa Impeachment Court kaya sangkatutak aniyang dokumento ang ipapa-authenticate sa mga witness kapag nagkataon.
“So I can’t imagine how voluminous these documents will be during the marking, and even during the presentation, identification and authentication before the impeachment court,” ayon pa sa mambabatas. (Bernard Taguinod)


