Nagpatupad ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng bagong pamasahe sa mga public utility vehicle (PUV), na epektibo simula ngayong Lunes, Setyembre 28.
Kabilang dito ang mga sumusunod:
– Traditional jeepney: P14 para sa unang 4 kilometro, dagdag P2 bawat kilometro.
– Modern jeepney: P17 sa unang 4 kilometro, dagdag P2.40 bawat kilometro.
– City bus: P15 ordinary at P18 air-conditioned para sa unang 5 kilometro.
– Provincial bus: P12 ang ordinary fare sa unang 5 kilometro, habang nagkaroon din ng dagdag-singil sa succeeding kilometers para sa mga bus na air-conditioned (P2.45), deluxe (P2.60), super deluxe (P2.70), at luxury (P3.35).
– Point-to-point bus: 15% increase sa kasalukuyang pamasahe.
– Airport taxi: P115 ang flag-down rate sa unang 500 metro, mula P75.
– TNVS: Tumaas ang base fare depende sa uri ng sasakyan, habang P15 kada kilometro ang pick-up fare.
May nakabinbin pa ring fare adjustment petitions para sa regular, premium silver at premium gold taxis. May provisional fare increase na rin para sa UV Express na P2.60 kada kilometro para sa traditional at P3 kada kilometro para sa modern units.
Ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, kailangan ang fare adjustment dahil hindi na sapat ang dating pamasahe para matugunan ang tumataas na gastos sa operasyon at kita ng mga driver at operator.
Gayunman, ipinag-utos ni Lopez na manatili ang 20% fare discount para sa mga estudyante, senior citizen at persons with disabilities. Kailangan din umanong nakapaskil sa bawat PUV ang bagong fare matrix bago maningil ng updated rates. (AM)


