Isang 33-anyos na lalaki ang nailigtas matapos umakyat sa altar ng San Sebastian Cathedral sa Barangay 11, Bacolod City.
Ayon sa pulisya, bandang alas-4 ng hapon noong Setyembre 26 nang pumasok ang lalaki sa simbahan at armado ng kutsilyo bago akyatin ang altar.
Naglagay naman ang mga awtoridad ng inflatable rescue cushion habang kinakausap siya upang ligtas na bumaba.
Matapos ang ilang oras na negosasyon, tumalon ang lalaki sa inflatable cushion at agad na sinuri ng mga medical responder.
Dinala siya sa kustodiya ng pulisya at kalaunan ay ipinagkatiwala sa kanyang pamilya.
Nagkaroon naman umano siya ng sugat sa daliri at mga galos sa balikat.
Napansin din ng mga awtoridad na maaaring nakakaranas siya ng emotional o psychological distress, na kinumpirma rin ng pamilya.
Samantala, pansamantala naman umanong inilipat sa labas ng simbahan ang isang nakatakdang misa nang mangyari ang insidente. (AM)


