Tuluyan nang nasagot ang matagal nang tanong tungkol sa tunay na estado ng relasyon nina Katrina Halili at Kris Lawrence.
Matapos ang ilang buwang usap-usapan tungkol sa muling paglalapit ng dating magkasintahan, mismong si Kris Lawrence na ang nagkumpirma na mag-on na silang muli ni Katrina.
Naging sentro ng atensyon ang isang eksena sa vlog ni Katrina kung saan sinabi niyang mayroon silang isang announcement pero may alinlangan kung paano ito sasabihin.
Si Kris ay hindi rin madirekta kung paano ito aamin. Hanggang ang anak nilang si Katie ang diretsahang nagpatotoo at sinabing “Sila na po!”
Dito lalo naging mainit ang usapan tungkol sa relasyon nina Katrina at Kris, lalo na’t ilang buwan nang napapansin ang muling pagiging malapit ng dalawa at marami nga ang nasasabing na may itinatago na silang relasyon.
At ngayon, tuluyan nang nagkaroon ng kasagutan ang mga tanong ng kanilang mga tagahanga.
Sa personal na mensahe sa amin, mismong si Kris Lawrence ang nagpatunay na sila na nga ni Katrina. Mas malinaw pa rito, sinabi niyang officially mag-on na sila noong September 13 pa.
Ibig sabihin, bago pa man naging hayagang usapan ang kanilang relasyon, nakapagdesisyon na ang dalawa na muling bigyan ng pagkakataon ang kanilang pagmamahalan.
Hindi na rin naman naging lihim ang kanilang muling paglalapit nitong mga nakaraang buwan. Noong unang bahagi ng 2026, muling naging kapansin-pansin ang pagiging close nina Katrina at Kris matapos silang makitang magkakasama sa isang family vacation sa El Nido, Palawan, kasama ang kanilang anak na si Katie.
At ngayong September 13 pala, opisyal nang muling naging magkasintahan sina Kris Lawrence at Katrina Halili. Mula sa pagiging magkaibigan at magulang ni Katie, heto at muling binigyan ng pagkakataon nina Kris at Katrina ang kanilang relasyon.
Kaya ang tanong na matagal nang hinihintay kung “Sila na ba?”—OO, SILA NA! (Rodel Fernando)


