Grabe talaga si Coco Martin! Ibang klaseng pagsisikap at sakripisyo talaga ang puhunan niya sa mga serye niya, na hitik sa aksyon, inspirasyon, at aral na talagang tinutukan ng mga Pilipino, ha!
Tinanggap kasi ni Coco kamakailan ang award para sa Special Citation for Excellence in Media and Television Storytelling sa USTV+ Media Excellence Awards 2026. Kinilala nga ang kanyang natatanging husay bilang aktor at direktor ng kanyang sariling mga teleserye.
“Napaka-espesyal po ng karangalang ito para po sa akin dahil dugo, pawis, at paghihirap po talaga ang nilaan namin sa bawat programang ginagawa namin mula ‘FPJ’s Ang Probinsyano,’ ‘FPJ’s Batang Quiapo,’ at ngayon po sa ‘Sigabo’,” sabi ni Coco.
Inalay rin ni Coco ang pagkilala sa lahat ng mga taong nagsusumikap sa harap at likod ng camera upang maghatid ng magandang serye sa mga manonood.
“Higit sa parangal, ito ay pagkilala sa bawat kwentong binuo kasama ang mga taong walang sawang nagbibigay-buhay sa telebisyon–mula sa writers, directors, actors, production team, hanggang sa ating mga manonood,” saad pa ni Coco.
Siyempre, tulad nga lang ng mga nakakalokang kilig na hatid nila sa ‘Sigabo’, nakakakilig din ang mensahe ni Coco nang pasalamatan niya ang kanyang real-life partner na si Julia Montes.
“Sa akin pong pamilya na inspirasyon ko, sa aking lola na nasa langit na ngayon at siyempre po sa aking katulong sa buhay, sa aking kabiyak ng aking puso na si Miss Julia Montes, para sa inyo ito,” chika pa ng Hari ng Aksyon sa Ating Henerasyon.
Ang sweet!
Teka, kasal na ba sila?
Bongga! (Dondon Sermino)


