Sinampahan ng reklamo sa Office of the Ombudsman si Laguna Governor Sol Aragones at iba pang opisyal ng lalawigan kaugnay ng umano’y iregularidad sa pagpapatupad ng isang financial assistance at Civil Service Review Program.
Nagtungo sa Ombudsman nitong Lunes, September 28, si Laguna Board Member Lorenzo Zuñiga Jr. para ihain ang reklamo.
Kabilang sa mga ipinabubusisi ang P15,500 na inilaan umano sa bawat benepisyaryo ng review program, pati ang legal at budgetary basis ng programa, mga alituntunin, billing at payment records, at patunay ng aktuwal na pagtanggap ng mga benepisyaryo.
May alegasyon din na may ilang aplikanteng gumamit umano ng pekeng diploma para makakuha ng naturang assistance.
Samantala, nakatakdang maglabas ng pahayag si Governor Sol Aragones ngayong ala-1 ng hapon kaugnay ng reklamong isinampa laban sa kanya.
Ayon sa paunang pahayag ni Aragones ngayong umaga, pinakakalma nito ang kanyang mga tagasuporta at mga taga-Laguna, at sinabing alam naman ng publiko kung sino ang nasa likod ng lahat at sinabi pa nito na “walang magbabalik”. (Ronilo Dagos)


