Ibinunyag ng dating security head ni ex-House Speaker Lord Allan Velasco na bumili umano ng hindi bababa sa anim na bahay ang huli sa Valle Verde para gawing “cash houses” o imbakan ng pera.
Ayon sa nagpakilalang dating security chief na si PCpl. Rodulfo Mondigo Gracioso Jr., dahil sa dami umano ng perang idine-deliver kay Velasco, hindi na ito kasya sa bahay niya sa No. 142 Sampaguita Street, Valle Verde 2.
“Dahil sa dami ng pera na dinedeliver kay Boss Allan ay hindi na kasya ang mga ito sa bahay lamang sa No. 142 Sampaguita Street, Valle Verde 2.
“Kalaunan, bumili na si Boss Allan ng ilan pang mga bahay sa Valle Verde at sa iba pang mga lugar. Hindi bababa sa anim na bahay ang binili ni Boss Allan sa Valle Verde upang gawing ‘cash houses’ o imbakan ng pera,” pahayag ni Gracioso sa kanyang sinumpaang salaysay nitong Sept. 14, 2026.
Isa umano sa mga “cash house” na binili ni Velasco ay nasa Valle Verde 6, sa parehong kalye kung saan may bahay rin si dating Cong. Zaldy Co, na pinaghahanap ng mga awtoridad dahil sa kasong plunder at iba pa na may kaugnayan sa flood control scandal.
“Isa sa mga cash house na binili ni Boss Allan ay nasa Valle Verde 6, sa parehong kalye kung saan may bahay rin si Zaldy Co. Ilan beses na rin akong tumanggap ng pera galing sa kanya na iniimbak namin sa iba’t ibang cash houses ni Boss Allan,” aniya.
Binanggit din ni Gracioso ang isa pang Velasco property sa No. 1 Champacca Street sa Valle Verde 2, na aniya ay binili noong 2021.
May dalawang pagkakataon umano kung saan sinabi niyang direktang kinuha ang pera sa umano’y cash house ni Velasco.
Sa isang biyahe sa Subic Safari, sinabi niyang: “Dala namin ‘yung pera na nasa dalawang maleta na may tig-50M cash bawat isa galing sa isa sa mga cash houses ni Boss Allan.”
Nangyari rin umano ito noong Disyembre 2021 na kinasasangkutan ng isang private flight patungong Davao.
“Noong bandang December 2021, inutusan kami ni Boss Allan na magdala at magsakay ng pera sa private plane ni Cong. Mikee Romero para dalhin kay Ma’am Sara sa Davao,” ani Gracioso.
“Galing ang mga maleta sa bahay nila Boss Allan at Ma’am Wen sa isa sa mga cash houses nila sa Valle Verde. Sinakay namin ang male-maleta ng pera na naglalaman ng higit kumulang dalawandaan milyong piso o 200M,” dagdag niya. (IS)


