WebClick Tracer

Dizon nilinaw: Taguig hindi kasama sa ‘10 kumpirmadong ghost project’

Nilinaw ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na ang nauna niyang pahayag na walang ghost project sa Taguig City ay tumutukoy lamang sa 10 proyektong nakumpirma na ng ahensya bilang ghost project sa buong bansa.

Kasunod ito ng pagsagot ni Dizon sa tanong ni Senador Alan Peter Cayetano sa budget hearing ng DPWH noong Biyernes, Setyembre 26.

Paglilinaw ni Dizon, wala sa 10 “conclusive” na maituturing na “ghost” infrastructure project na natukoy ng DPWH ang nasa Taguig.

“Tinanong ako, ilan na ba ang conclusive – sa Tagalog, sigurado – na ghost project sa buong bansa? Ang sagot namin, sampu,” anang kalihim.

“Ang question do’n, meron bang Taguig project doon sa sampung conclusive na ghost project na nahanap na ng DPWH, ‘yung sigurado. Ang sagot ko, wala po,” dagdag pa niya.

Giit naman ni Dizon, “Totoo naman ‘yun e. Na wala talaga doon sa sampu, na conclusive o siguradong ghost project, na naka-locate sa Taguig. ‘Yun ang full context no’n.”

Matatandaan na naunang pinuna ni Senador Ping Lacson ang pahayag ni Dizon at iginiit na taliwas umano sa mga site inspection report ng DPWH.

Samantala, binigyang-diin naman ni Dizon na patuloy pa ang imbestigasyon sa mga proyekto sa Taguig at hindi pa ito nagbibigay ng pinal na konklusyon.

“Ngayon, sinabi ko rin na ang investigation sa Taguig, kakaumpisa pa lang at ongoing pa ‘yan. Nag-submit ng initial report sa akin, at ‘yan ay pina-submit ko sa Ombudsman,” aniya.

“Nakalagay sa report, merong mga nakitang mga irregularities na kailangang i-subject pa for further validation,” dagdag pa ni Dizon. (AM)