WebClick Tracer

Dizon kinumpirma maling geotagging ng Taguig project, ‘napadpad’ sa Leyte

Inamin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na may nakitang iregularidad sa isang infrastructure project sa Taguig matapos lumabas na ang geotagged billing photos nito ay nasa Leyte, malayo sa aktuwal na project site.

Ayon kay Dizon, ang naturang proyekto ay isinagawa ng kompanyang konektado sa St. Timoty Construction, pag-aari ng mga contractor na Discaya na sangkot sa maanomalyang flood control project.

Matatandaan na nauna na ring binanggit ni Senador Ping Lacson ang nasabing isyu matapos mapansin sa billing photos na nasa ibang lokasyon ang nakatalang coordinates.

Sinabi naman ni Dizon na kabilang lamang ito sa tatlong kasong natukoy ng ahensya, kung saan natagpuan ang coordinates sa Leyte, kahit sa Taguig ang proyekto.

Binigyang-diin naman ng kalihim na bahagi na ito ngayon ng patuloy na validation at imbestigasyon ng DPWH katuwang ang Office of the Ombudsman.

“That is definitely part of the ongoing validation and investigation. So, again, it’s ongoing, we’re working together with the Ombudsman,” ani Dizon.

Nang tanungin kung bakit tila nakatuon ang mga imbestigasyon sa Taguig, iginiit ni Dizon na hindi lamang sa naturang lungsod nagsasagawa ng pagsusuri ang DPWH.

“Nakatutok tayo sa buong bansa. Kahit saang may mag-report sa atin, mag-o-open tayo ng investigation, tuloy-tuloy ‘yan,” pahayag ng DPWH secretary. (AM)