WebClick Tracer

DICT Usec. Rodil Aniban hinirit na sibakin sa puwesto

Hiniling ng mga permanent employee at Job Order (JO) personnel ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Cybersecurity Bureau na alisin sa puwesto si Director III at OIC Undersecretary for Cybersecurity Rodil Aniban habang isinasagawa ang imbestigasyon sa mga reklamong inihain laban sa kanyang pamumuno.

Sa isang petisyon na isinumite sa Office of the President at iba pang kinauukulang awtoridad, na eksklusibong nakalap ng Abante, hiniling ng mga complainant ang independent fact-finding investigation sa umano’y mga problema sa pamumuno, administrative violations, procurement concerns, at pagbaba ng performance ng naturang bureau.

Kabilang sa mga pangunahing reklamo ang umano’y retaliation at coercion laban sa mga empleyadong naghain ng opisyal na reklamo.

Ayon sa mga petitioner, may mga JO personnel umanong tinatakot na hindi ire-renew ang kanilang kontrata, habang may mga permanent employee namang pinipilit umanong tanggapin ang “downgrades” bilang kondisyon para manatili sa kanilang trabaho.

Inireklamo rin ng mga empleyado ang umano’y pagpapabaya sa non-performance at laxity sa trabaho.

Binanggit sa petition ang pahayag na “basta mag-comply lang sa attendance at sa sweldo,” na iniuugnay nila kay Aniban.

May mga inilutang din umanong concern sa financial at procurement processes, kabilang ang sinasabing preferential treatment sa ilang vendor at personal clearance umano ni Aniban sa mga Terms of Reference (TOR), na ayon sa mga petitioner ay nakapagpaantala sa ilang proyekto.

Ibinabala rin ng mga ito ang umano’y pagbaba ng morale at pag-alis ng mga specialized personnel sa bureau.

Anila, maaaring magkaroon ito ng epekto sa kakayahan ng tanggapan na gampanan ang mga tungkulin nito sa cybersecurity at national security.

Isa sa pinakamalaking concern na binanggit sa petition ang umano’y pagbaba ng resource utilization rate ng Cybersecurity Bureau mula 52% noong 2025 hanggang 7% noong 2026.

Bukod sa pagtanggal o reassignment kay Aniban, hiniling din ng mga petitioner na maaari siyang ilagay sa preventive suspension habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Hiniling din nila ang referral sa Office of the Ombudsman o Civil Service Commission sakaling mapatunayan ang posibleng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at mga batas sa procurement.

Kasama rin sa kanilang mga kahilingan ang proteksiyon sa mga lumagda laban sa harassment, retaliation o iba pang adverse treatment kaugnay ng kanilang pagsasampa ng reklamo. (AM)