Natagpuan na ang bangkay ng isang dalagita na nalunod sa Luksuhin River sa Barangay Malainen Luma, Naic, Cavite, matapos ang pitong araw na walang patid na search and rescue operation.
Si Princess, na unang naiulat na nawawala matapos malunod noong Setyembre 20, ay natagpuan nitong Setyembre 27 sa mismong bahagi ng ilog kung saan siya huling nakita.
Ayon sa mga rescuers, sumiksik ang katawan ng biktima sa pagitan ng malaking mga bato kaya naging mahirap ang paghahanap dito, lalo na sa lugar na may malakas at pabago-bagong agos.
Mula nang mangyari ang insidente, nagsagawa ng surface search, technical diving, underwater camera operations, at water diversion ang Joint Operations Team upang mapuntahan ang mga posibleng kinaroroonan ng biktima.
Kabilang sa mga lumahok sa operasyon ang Philippine Coast Guard, Naval Special Operations Group, Naic MDRRMO, Philippine Coast Guard Auxiliary, BFP, PDRRMO-Cavite, Philippine Red Cross, PNP Naic at iba pang rescue units at mga civilian volunteer.
Nagpasalamat naman ang pamilya ng biktima sa mga rescuers, civilian volunteers, barangay officials at lahat ng nakibahagi sa pitong araw na paghahanap hanggang sa tuluyang matagpuan ang dalagita. (Ronilo Dagos)


