WebClick Tracer

Dagsa ng mga commuter sa EDSA Busway hamon sa mga enforcer – PCG

Malaking hamon sa mga law enforcer ang dami ng mga commuter na gumagamit ng EDSA Busway, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) nitong Lunes.

Sa panayam sa programang “The Commanders” ng Abante, simulcast sa Bilyonaryo News Channel, sinabi ni PCG Lieutenant Junior Grade Paul Asuncio na kailangang sabayan ng sapat na personnel ang dami ng mga pasaherong dumadaan sa 24 bus station sa EDSA.

“Sa tingin ko po ang isa sa mga biggest challenges po is ‘yung large volume po ng passenger within the busway po,” ani Asuncio.

Bukod sa mga commuter, mahigpit din umanong binabantayan ng PCG-Department of Transportation Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT) ang mga pribadong sasakyang pumapasok sa busway.

Ayon kay Asuncio, mahigit 300 private vehicle na ang naitalang pumasok sa EDSA Busway at pinatawan ng kaukulang violation.

Sumasailalim din aniya sa mga training at seminar ang mga tauhan ng SAICT upang maging handa sa kanilang tungkulin.

Nakikipag-ugnayan din umano ang PCG-DOTr-SAICT sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), bilang first responder sa mga insidenteng nangyayari sa busway.

Panoorin ang buong panayam sa September 28 episode ng “The Commanders” sa Abante at simulcast sa Bilyonaryo News Channel.

Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-5 ng hapon, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play at sa YouTube at Facebook accounts ng Abante. (AC)