Hindi lang isa kundi dalawang diamond ring ang ibinigay ni Carlos Yulo kay Chloe San Jose nang mag-propose ito noong Disyembre.
Sa isang YouTube video na ibinahagi ni Chloe nitong Lunes, sinabi ni Carlos na nagsimula niyang maisip ang proposal bago siya pumunta sa Japan para sa training camp noong Setyembre 27, 2025.
Nagsimula naman umano ang paghahanda ni Carlos noong Oktubre.
“Talagang hindi na ’ko makatulog and sobrang kabado kasi naiisip ko kung paano siya ipe-prepare. And also, alam lahat ni Chloe talaga ’yung mga ginagawa ko. Do’n po ako pinakanahirapan talaga,” sabi ni Carlos.
Nag-propose ang atleta noong Disyembre 18, 2025.
Hindi rin umano inasahan ni Chloe ang proposal dahil akala niya ay isa itong Christmas party. Naramdaman lamang niyang may espesyal na mangyayari nang makita niya ang maraming pailaw sa lugar.
Malawak naman ang ngiti ni Chloe nang tanggapin ang singsing mula kay Carlos.
“Dahil tinulungan mo ’kong maabot ang pangarap ko. Sobrang mahal na mahal kita, mahal. It’s another ring for you,” sabi ni Carlos nang muling lumuhod sa harap ni Chloe.
“Hindi siya traditional but maybe ako lang gumawa nito. Pero I’m really grateful… this is my gift for you… so when we link our hands, hindi lang left side,” dagdag niya.
“Si Chloe talaga ’yung tumulong sa’kin magkaroon po ng two gold medals sa Olympics. Para sa’kin, siya ’yung gold medal sa puso ko, so dalawang engagement ring ’yung binigay ko sa kanya,” sabi pa ni Carlos sa video. (AC)


