Inihayag ng Bureau of Corrections (BuCor) nitong Lunes na bineberipika nito ang court records nina Cedric Lee at Deniece Cornejo bago sila palayain alinsunod sa kautusan ng Court of Appeals (CA).
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., hinihingi ng ahensya ang kopya ng entry of judgment mula sa CA kasunod ng kautusan nito noong Setyembre 25 na palayain sina Lee at Cornejo.
Humihingi rin ang Bucor sa Taguig Regional Trial Court ng certificate of no pending Case bilang bahagi umano ng mga record at dokumentasyong kailangan upang matukoy ang release status ng persons deprived of liberty (PDLs).
Ang hakbang ay kasunod ng pagrepaso sa records na nakitang may hiwalay pang grave coercion case laban sa dalawa sa Taguig RTC Branch 266.
Binago ng CA ang hatol kina Lee at Cornejo sa kasong isinampa ng aktor na si Vhong Navarro, mula serious illegal detention for ransom tungo sa grave coercion.
Pinatawan sila ng anim na buwang minimum hanggang tatlong taon, anim na buwan at 21 araw na maximum na pagkakakulong.
Gayunman, sinabi ng BuCor na sunod-sunod ang pagsisilbi sa sentensiya sa dalawang kaso. Dahil dito, umaabot sa apat na taon at 21 araw hanggang pitong taon at 21 araw ang pinagsamang sentensiya ng dalawa.
Nasa kustodiya ng BuCor si Lee mula Mayo 3, 2024, isang araw matapos ikustodiya si Cornejo batay sa commitment order na inisyu ng Taguig RTC Branch 153.
Batay sa mga kalkulasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) na isinagawa ng BuCor, hanggang Setyembre 26, nakakuha si Lee ng 460 araw na GCTA, habang si Cornejo naman ay nakakuha ng 440 araw na GCTA at 75 araw na Time Allowance for Study, Teaching, and Mentoring (TASTM).
Batay sa kasalukuyang kalkulasyon ng BuCor, Pebrero 18, 2027 ang petsa para sa minimum na sentensiya ni Lee, habang Disyembre 23, 2026 naman kay Cornejo. (AC)


