Isiniwalat ng dating head of security umano ni ex-House Speaker Lord Allan Velasco ang umano’y pag-deliver ng bilyon-bilyong pisong cash at luxury gifts, na nakalagay sa mga maleta at van, kay noo’y Davao City Mayor Sara Duterte mula 2018 hanggang 2021.
Sa sinumpaang salaysay ni PCpl. Rodulfo Mondigo Gracioso Jr., sinabi niyang naging head security siya ni Velasco mula 2017 hanggang 2024.
Ayon kay Gracioso, una niyang nakilala si Duterte noong 2018 nang sunduin umano niya ito sa isang hangar sa Pasay.
Bukod sa cash, sinabi rin ni Gracioso na tumanggap umano si Duterte ng mga luxury gift mula sa mag-asawang Velasco. Kabilang dito ang Hermès bags, Royce chocolates at Patek Philippe.
Personal umano niyang inabot kay Duterte ang ilan sa mga regalong ito, habang may pagkakataon ding ipinapadaan ang mga ito kay Jefry “Jepoy” Tupas.
Sinabi umano sa kanya na may ipapabigay na regalo sa loob ng paper bag at maliit na maleta para sa dating mayor ng Davao mula umano sa asawa ni Velasco.
Ikinuwento ng pulis na naglalaman umano ng Royce chocolates ang paper bag habang P20 milyong cash naman ang maleta.
“Hinatid ko siya sa Diamond Hotel… pagdating sa Diamond Hotel inabot ko kay Ma’am Sara ang regalo. Kinuha niya ang paper bag habang inutusan niya ako na ibigay ang maliit na maleta kay Jefry Tupas. Sabi rin niya na sabihin ko kay Ma’am Wen at Boss Allan na ‘salamat’,” pahayag ni Gracioso.
Sinabi rin niya na nasundan pa ito nang higit 10 beses mula 2018 hanggang 2020, kung saan umano ay umaabot sa P10 milyon hanggang P20 milyon ang cash na ipinapahatid kay Duterte tuwing dumarating ito sa Maynila sakay ng private plane.
May mga pagkakataon din umano na mas malalaking halaga ang ipinadala.
Sa isang biyahe sa Marinduque noong 2019, sinabi ni Gracioso na dalawang maleta na may tig-P50 milyon ang ipinabigay umano kay Duterte.
Sa isa pang pagkakataon, dalawang van umano ang dinala sa Davao na may kargang cash at mga regalo. Ang isa sa mga van ay mayroon umanong malaking maleta na naglalaman ng P50 milyong cash.
Sinabi rin niya na may mga pagkakataong umaabot sa daan-daang milyong piso ang umano’y idine-deliver kay Duterte, kabilang ang P200 milyon na ipinadala umano sa pamamagitan ng private plane noong 2021.
Nagbigay rin umano ng dalawang malalaking maleta na naglalaman ng nasa P100 milyon na dagdag panggastos umano ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) sa 2019 midterm elections.
Naipakilala rin umano sa kanya ni Duterte si Ramil Madriaga. Matatandaang si Madriaga ay nagpakilalang dating “bagman” umano ni Duterte.
“Ipinakilala sa akin ni Ma’am Sara si Ramil Madriaga at sinabing sa kanya ko ibigay ang pera pambili ng mga motorsiklong gagamitin sa election caravan ng HNP. Iniabot ko nga ang maleta ng pera na naglalaman ng higit kumulang P20M kay Sir Ramil sa utos ni Ma’am Sara,” ani Gracioso.
Samantala, inakusahan din ni Gracioso ang ilang personalidad ng umano’y paghahatid ng pera sa kampo ni Velasco, kabilang si dating Congressman Zaldy Co, mga contractor at dating DPWH officials.
Nang maging Speaker na umano si Velasco noong Oktubre 2020, lalo umanong dumalas at dumami ang mga delivery ng pera sa bahay nito galing sa iba’t ibang personalidad tulad nina Co, Miro Quimbo at isang Atty. Honey Sipin.
Nakakuha rin umano si Velasco ng porsiyento o “SOP” sa lahat ng proyekto sa Pilipinas, na para rin umano sa mga Duterte.
“Sa mga personal kong naririnig kay Boss Allan at Atty. Honey Sipin tuwing may meeting sa bahay ni Boss Allan ay nakakakuha siya ng porsiyento sa lahat ng project sa buong Pilipinas. Kasama na dito sa kanyang porsiyento, ang porsiyento rin para sa mga Duterte, kaya’t ang pagkakaalam ko ang perang hawak ni Boss Allan ay hindi lamang sa kanya ngunit hawak din niya ito para sa mga Duterte,” saad pa ni Gracioso.
Ibinunyag din niya na hindi umano bababa sa anim na bahay ang binili ni Velasco sa Valle Verde sa Pasig City upang gawing “cash houses” o imbakan ng pera.
“Isa sa mga cash house na binili ni Boss Allan ay nasa Valle Verde 6, sa parehong kalye kung saan may bahay rin si Zaldy Co,” aniya.
Naging madalas na rin umano ang delivery ng pera kay Duterte nang maging Speaker si Velasco, na may pagkakataon umanong hindi bababa sa P500 milyon.
Nagkaroon din umano ng pagkakataon na sabay siyang nag-deliver ng maleta ng pera para kay Sara at kay Cong. Paolo Duterte sa utos ni Velasco.
Sinabi ni Gracioso na marami pa siyang maaaring ibahagi batay sa kanyang personal na kaalaman at sinabi niyang handa siyang magbigay ng karagdagang ebidensiya kung kinakailangan.
Nilagdaan ni Gracioso ang kanyang sinumpaang salaysay noong Setyembre 14, 2026 sa Pasay City. Binasa at inunawa umano niya ito bago nilagdaan.
Mariin naman itong itinanggi ni VP Sara at tinawag na isang “media stunt” lamang upang buhayin muli ang impeachment case, habang sinabi rin ng kampo ni Velasco na walang basehan ang mga akusasyon.
Nakikipag-ugnayan na ang NBI para imbestigahan ang nasabing salaysay. (IS)


