WebClick Tracer

Beteranong mamamahayag sa Cebu natagpuang walang buhay sa loob ng sasakyan

Natagpuang walang buhay ang 68-anyos na beteranong mamamahayag at dyCM Cebu station manager na si Sam Costanilla sa loob ng kanyang sasakyan sa Barangay Inayawan, Cebu City noong Linggo, Setyembre 27.

Ayon sa paunang impormasyon, napansin ng mga batang dumaraan ang masamang amoy na nagmumula sa sasakyan at nakita si Costanilla na walang malay sa driver’s seat.

Batay naman sa CCTV footage na inilabas ni Cebu City Councilor Dave Tumulak, nakaparada na ang sasakyan sa lugar mula pa noong Biyernes, September 25, matapos umanong mag-newscast si Costanilla sa dyCM.

Kinumpirma ng kanyang kapatid na si Monching, 70, ang kanyang pagkakakilanlan, habang sinabi naman ni Juniño Padilla ng DotTV Nationwide na hindi na sumasagot sa kanyang mga tawag at text si Costanilla.

Bukod sa pagiging station manager ng dyCM Cebu, naging entertainment chief din siya ng DotTV Nationwide at nagsilbi bilang writer at director.

Hinihintay pa ang resulta ng autopsy upang matukoy ang eksaktong sanhi ng kanyang pagkamatay, bagama’t sa paunang imbestigasyon ay wala umanong nakitang indikasyon ng krimen o foul play. (Ronilo Dagos)